Sinasalakay ng mararahas na pang-araw-araw na insidente sa buhay ang tauhan sa “Dung-aw” ni Rowell DS. Ulang at tila walang laban ang persona at walang balak na gawing hakbang kundi tahimik na paglimian ang matitingkad na mga eksenang lumilikha ng mga damdamin at realisasyong hindi halos masabi-sabi ngunit naipahihiwatig sa paraang pupukaw at pupukaw sa mambabasa. Nabibigyan ng poetikong gampanin, lalo na ang mga tila taong pag-uugali ng mga alagang hayop, maging ng ulan at panahon upang mabigyang- hugis ang malalim na pananaw sa masalimuot na paksa ng kamatayan at pakikibakang magkaroon ng makabuluhang buhay.
—Citation, Premyong LIRA 2024
Sa kaniyang koleksiyon ng mga tulâng “At Pagkatapos, Magpapatuloy pa rin Akong Maglakad,” sa karaniwang wika ang paksa, ibon, paglalakad, búhay sa lungsod, ngunit ang kakaiba rito, hindi mo namamalayang nabibitbit ka nito sa sariling paglalakbay patungo sa kaibuturan ng kaniyang dibdib, at sa isang iglap, ang kaniyang lumbay ay lumbay mo na rin.
—Citation, Talaang Ginto 2024
Ang koleksiyong “Anyong Lupa, Anyong Tubig” ay isang mapahiwatig at matimping pagtuklas sa primal na sukal ng mitikal na paglikha sa langit at lupa, kung saan, “kalaunan, sa kababaihan” ipinagkatiwala ng kung sinomang bathala “(a)ng pangangalaga sa kawalang-hanggan.” Wari’y nasa isang tumahang panahon ang daigdig na ito, labas sa kasaysayan at araw-araw, at ang babae, bilang tagapangalaga ng sangkalalangan, ang nagtatakda sa pag-aanyo at pangitain ng bukal, ilog, latian, batis, dagat, pulo, bulkan, bundok, lambak, at parang. Sa kaniyang kamalayan, nagsasatula ang mga anyong lupa at tubig at nagmimistulang pagsasanib ng mga nagtatalaban at nagsasalimbayang puwersa, sa mismong sarili, at sa ilahas na kalikasang nahuhuli at nababaklad sa maringal na súkat at tugma. May maparikalang pagtatakda sa anyo ang koleksiyon, samantalang nagpapahayag ng paghulagpos sa “gápos ng mito, / Sakâ pagtatakda ng mga anito.” Wari’y ganap na integrasyon ng mga tunggaling panig, sa ngalan ng asam na indibidwal at komyunal na kabuuan. Sa huli, wari’y natutuklasan ng babae ang kaniyang kaisahan sa nasasaklaw na kalikasang matris ng paulit-ulit na paglikha, at nauunawaan kung bakit sa simula, batay sa mitong inakda, sa kababaihan ipinagkatiwala ang ipinagkatiwala na ano pa nga ba ang kinakatawan kundi itong ating pag-iral.
—Judge’s Citation, Normal Awards 2021
Gamit ang mga salitang kaugnay ng paghalukay bílang pag-aaral, hinihimok ng mga tula na pumaloob ang mambabasa sa karaniwang dánas ng paghahanap at pagsalat sa lumbay, tamlay, kulimlim, mga tanda sa yungib, kahungkagan, luwad ng ligalig, paglalakbay ng kaluluwa sa ibayong daigdig. Magkahalo ang pait at katahimikan na bunga ng imahinasyon ng may panulat.
—Citation, 2021 Maningning Miclat Poetry Awards

Si Rowell DS. Ulang ay taga-Binangonan, Rizal. Nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in English, magna cum laude, sa University of Rizal System, Morong, Rizal. Ginawaran siya ng 2025 National Youth Achievement in Literary Arts ng National Committee on Literary Arts ng National Commission for Culture and the Arts. Nagkamit din siya ng mga parangal sa Peter’s Prize for Love Poetry (2025), Premyong LIRA (2024), Talaang Ginto (2024, 2020) ng Komisyon sa Wikang Filipino, Maningning Miclat Poetry Awards (2023, 2021), 1st Normal Awards (2021) ng Philippine Normal University Center for Gender and Development, at Saranggola Blog Awards (2019). Naging fellow siya sa 2019 Angono National Writers Workshop na ginanap sa Angono, Rizal.