Accident Prone Area

Dodoble na naman ang ‘yong pag-iingat.
Kanina, nawalan ng ngipin ang preno
Nitong UV express, kaya di kumagat.
Sumalpok sa jeepney. Ilang pasahero’y

Dumaing ng sakit ng balakang, galos
At sugat. Gayunman, galak silang buhay.
Inasahan na ring sa ganitong ayos,
Sumikip di lamang ang paghinga. Ingay

Ng businang galit mula bus pauwi
Pa sa malalayong bayan at probinsya.
Kinalkal lang nito ang dati nang sanhi
Ng ‘yong pag-iingat. Galing opisina,

Noong isang gabi, sa iyong likuran
Nadama ang haba at tulis ng patalim,
Tatlong araw ka rin doon sa ospital.
Sa parehong oras, kabataang lasing

Biglang nagbatuhan ng bote. Tumakbo
Kang sapo ang ulo. Ayaw nang masangkot
Sa anumang gulong nangyayari dito.
May dala ring payong panangga sa lungkot.

Wala ‘kong magawa, di kita masisi
Lansangan lang akong kaylangang daanan,
Pook ng peligro. Bawal magpagabi.
Nagmamadali ka’t ayaw nang magtagal.

Comments

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started