Blog

  • Sa Gabi ng Kamatayan

    Pinakikintab ng pekèng kislap ng aserong talà
    Ang baluktot nating tadyang, at yupìng pusò at bagà,
    Inilalantad ang kawad ng naghihingalong pintig
    Ng nalalabing liwanag sa nababaklas nang dibdib;

    Nadedepektibo tayo bunsod ng malware na pusok
    At di itinakdang tibok kayâ kayhirap matuos,
    Sapagkat nababagabag ang sistemang nakaprogram
    Nang matutuhang magmahal at sumuway sa hanggáhan;

    Malalasog ang katawan sa lunggatîng dumadaloy
    Sa nagnaknak nang gulugod—sa hinang ay di naghilom,
    Kayâ nakabunton tayong basurang elektroniko
    Sa tambakan ng kalansay ng gutay na selepono

    Algorithm ng gunita ay marahang mabubura
    Magkayakap papalapit sa gigiling na makina . . .

  • Ang Pagtula

    Ay agham pag-ungkat sa kimkim na bato
    At iniingatang mga artepakto
    Upang maitanghal antig sa antigo.

    Pagkadalubhasa sa paulit-ulit
    Na pagsisiyasat sa liblib na yungib
    Nang maisiwalat ang ukit sa dibdib.

    Walang katapusan itong paghalukay
    Sa kaibuturan ng bawat nagdaan
    Nang maunawaan ang kasalukuyan . . .

  • De-bateryang Pag-ibig

    Ibig ko lamang mapunan ng enerhiya ang dibdib
    Sapagkat paulit-ulit hinuhungkag ng pag-ibig
    Nang manalaytay sa kawad nating ugat ang dagitab,
    Maglaan ng artipisyal na init sa ating yakap

    Kung maglapat ang katawan. Damhin ang kislap ng pulso
    At mekanikal na lakas sa balat na aluminyo,
    Sa bakal na mga buto, salimuot sa sikmura
    Ng kambiyo at tornilyo, sa ating kalamnang tingga.

    Sapagkat kalkulado nga kahit ang kiming damdamin,
    Di na rin mababahalang masaktan ng pagtataksil
    Ang kaluluwang magaang pinabigat ng bateryang
    Banayad na sumusunog sa nag-uling nang bituka.

    Manhid na rin ang katawan sa sakit ng kalingkingan.
    Maging ang puso, sugatang inaagnas ng kalawang.

  • Sapagkat Mahaba ang Buhay ng Tula

    Humahapdi ngayon ang aking taludtod
    Tulad ng kalamnang kumikirot-kirot
    Sa bugbog ng lungkot kapag kumikislot
    Ang salitang magang-maga at nalamog.

    Magnanaknak kahit sa saknong ang gasgas
    Ng katahimikang sa laman sumagad;
    Labing bumibigkas ang hiwa sa balat
    Ng samo’t dalanging maghilom ang agwat.

    At kapag dumating yugtong manghihina—
    Langgasin ang sugat ko ng talinghaga
    Ng saglit na binhing tumubo sa luha
    Saka pinalusog ng pangungulila.

    Talagang durupok sa panahong anay
    Ang aking katawan subalit inmortal . . .

  • Sikmura

    Nilunok ang kasalanang
    Impiyerno ang tutunaw;
    May apoy sa lalamunan
    Ng sikmurang kumakalam.

Design a site like this with WordPress.com
Get started