Pinakikintab ng pekèng kislap ng aserong talà
Ang baluktot nating tadyang, at yupìng pusò at bagà,
Inilalantad ang kawad ng naghihingalong pintig
Ng nalalabing liwanag sa nababaklas nang dibdib;
Nadedepektibo tayo bunsod ng malware na pusok
At di itinakdang tibok kayâ kayhirap matuos,
Sapagkat nababagabag ang sistemang nakaprogram
Nang matutuhang magmahal at sumuway sa hanggáhan;
Malalasog ang katawan sa lunggatîng dumadaloy
Sa nagnaknak nang gulugod—sa hinang ay di naghilom,
Kayâ nakabunton tayong basurang elektroniko
Sa tambakan ng kalansay ng gutay na selepono
Algorithm ng gunita ay marahang mabubura
Magkayakap papalapit sa gigiling na makina . . .
Category: Tula
-
Sa Gabi ng Kamatayan
-
Ang Pagtula
Ay agham pag-ungkat sa kimkim na bato
At iniingatang mga artepakto
Upang maitanghal antig sa antigo.Pagkadalubhasa sa paulit-ulit
Na pagsisiyasat sa liblib na yungib
Nang maisiwalat ang ukit sa dibdib.Walang katapusan itong paghalukay
Sa kaibuturan ng bawat nagdaan
Nang maunawaan ang kasalukuyan . . . -
De-bateryang Pag-ibig
Ibig ko lamang mapunan ng enerhiya ang dibdib
Sapagkat paulit-ulit hinuhungkag ng pag-ibig
Nang manalaytay sa kawad nating ugat ang dagitab,
Maglaan ng artipisyal na init sa ating yakapKung maglapat ang katawan. Damhin ang kislap ng pulso
At mekanikal na lakas sa balat na aluminyo,
Sa bakal na mga buto, salimuot sa sikmura
Ng kambiyo at tornilyo, sa ating kalamnang tingga.Sapagkat kalkulado nga kahit ang kiming damdamin,
Di na rin mababahalang masaktan ng pagtataksil
Ang kaluluwang magaang pinabigat ng bateryang
Banayad na sumusunog sa nag-uling nang bituka.Manhid na rin ang katawan sa sakit ng kalingkingan.
Maging ang puso, sugatang inaagnas ng kalawang. -
Sapagkat Mahaba ang Buhay ng Tula
Humahapdi ngayon ang aking taludtod
Tulad ng kalamnang kumikirot-kirot
Sa bugbog ng lungkot kapag kumikislot
Ang salitang magang-maga at nalamog.Magnanaknak kahit sa saknong ang gasgas
Ng katahimikang sa laman sumagad;
Labing bumibigkas ang hiwa sa balat
Ng samo’t dalanging maghilom ang agwat.At kapag dumating yugtong manghihina—
Langgasin ang sugat ko ng talinghaga
Ng saglit na binhing tumubo sa luha
Saka pinalusog ng pangungulila.Talagang durupok sa panahong anay
Ang aking katawan subalit inmortal . . .